1. Ang unang limang minuto ng pelikula ay dadalhin ka sa pagitan ng kalungkutan at pag-asa.
2. Ang istoryang isinulat nina Bela Padilla at Neil Arce ay babarilin ka sa gulat samantalang ang screenplay ni Bela ay may balang papasok sa sintido't puso mo. Wala kang magagawa kundi dumiretso sa langit at mamangha.
3. Ang direksyon ni Bb. Joyce Bernal ay kukuryentehin ka sa singit.
4. Ang mga luha at ngiti nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga ay ihuhulog mula sa mataas na gusali, ng mataas na antas ng pagkakaganap.
5. Dadalhin ka ng pelikula sa mga pinakamagandang morge sa balat ng lupa --- sa Maynila, sa Intrmuros, sa Luneta Hotel, at marami pa.
6. Ipapakilala sa iyo ng Jones Bridge ang ibig sabihin ng pagpapatiwakal at pagmamahal. Sa ilalim niya ay ang lugar na pagitan ng kamatayan at langit. Tataas ang paggalang mo sa tulay na dinadaan-daanan mo lamang, katulad ng pagrespeto mo sa mga namatay na.
7. Ang musika ng pelikula ay musika ng pagbibigti sa pinakamatibay na tali ng pag-ibig.
8. Lalasunin ka ng twist ng pelikula hanggang sa mapagtanto mong may mas malalim pang gustong sabihin ang pangalawang kalahati ng pelikula.
9. Sasagasaan ng Spring Films, Star Cinema, at N Square Productions ang malungkot mong paniniwala sa pangungila at problema, pag-ibig at rebolusyon, at malupit na tadhana.
10. Tuturuan ka ng pelikula ng iba't ibang paraan para magpakamatay pero mas tuturuan ka niyang magmahal at mabuhay nang maligaya.
Habang nanonood ng pelikula, unti-unti mong matututuhan kung paano magpakamatay sa maraming paraan hanggang sa malaman mo kung paano mabuhay sa maraming paraan.
LAST NIGHT
Directed by Bb. Joyce Bernal
10/10
Written and review : Jerome Papa
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento